Hindi namin nais baguhin ang paniniwala ng mga tao.
Pilitin man namin ay hindi namin ito magagawa.
Tanging ikaw lamang ang sadyang may isip ang makakapagdesisyon ukol sa iyong hinaharap, pinapaniwalaan at hangarin.
Lahat naman siguro ng tao ay naniniwala sa mabuti at naghahangad ng isang magandang buhay. Iba iba lang ang mga nangyari sa atin kaya iba iba rin ang ating mga paniniwala.
Pagdating sa paniniwala ang iniidolo ko rito ay walang iba kundi si Barack Obama, ang kasalukuyang presidente ng Amerika.
Sabi niya ay:
"hindi man tayo nagkakasundo, naway tayo'y matutong tanggapin na hindi tayo magkakasundo."
Mas tahimik siguro ang buhay kung naiintindihan ito ng maraming mga Pilipino. Dahil kung alam natin kung bakit tayo hindi nagkakasundo, tayo'y natututong pumagitna at tulungan ang isa't isa.
Maraming hindi maglalabas ng gulok, itak, balisong o armalite sa pagkakataong hindi nagkakaintindihan.
Ano nga ba ang tama at mali?
Sa aking pagaaral sa Universidad sa banda roon, ang tangi kong natutunan ukol rito ay sadyang mahirap nga namang tukuyin.
Sa praktikal na buhay, alam natin na ang tama ay ang batas o ang sabi ng ating mga nakatatanda.
Sabi naman ng iba, ang tama ay ang batas ng Diyos.
Naniniwala ako sa pareho, ngunit may mga pagkakataon na ang mga iyon ay sadyang nakalilito. Ang batas ng tao ay hindi perpekto. Ang batas ng Diyos naman ay tanging Siya ang nakakaalam. Ang batas ni Inay, e, batas ni Inay!
Hindi ako magkukunwari at sasabihin na ang lahat ng tama ay nalalaman ko. Sa buhay ko, alam kong tama ang isang bagay kapag hindi ako nakakaramdam ng pagsisi pagkatapos ko itong gawin.
Simple di ba?
Ngayon, kilala mo na ako, ikaw sino ka?