Ang Kababalaghan ng Tumutumbang Madre Cacao

Ang Kababalaghan ng mga Tumutumbang Madre Cacao Kakawate


Mga minamahal kong mambabasa, ako sana'y hihingi ng kaunting paumanhin sapagkat ang isusulat ko ngayo'y hindi ukol sa mga alamat kundi isang tunay na istorya ng kababalaghan. Batid ko na ang tema ng lugar na ito, ay sadyang nakatutok sa pagkalap ng mga alamat ngunit minabuti ko na ring isulat ito sapagkat dito lamang sa aking palagay ang tamang lugar para sa mga istoryang aking nararanasan. 

Ang ikukwento ko sa inyo ay isang tunay na istorya ng kababalaghan, na sa aking mga kuro kuro ay wala pang tunay na paliwanag na siyentipiko. Totoo ito at base sa aking mga nararanasan dito sa Purok Siyete, Barangay Tangway, Lipa City. 

Mga Dayuhan sa Sariling Bayan

Lumipat ang aking pamilya dito noong taong 2008, dalawang taon ang nakalipas mula nang ang aking ama ay pumanaw. Isa siyang abugado na nagmula sa mahirap, nag-aral mabuti at sa awa ng Diyos at sa kabutihang palad, ay nakapag-impok ng kaunting pera para makabili ng lupang masasabi na rin nating may kaunting kalakihan. 

Noong ako'y binatilyo pa, bumibisita kami rito sa lugar na ito kasama ang aking ama, ina at mga kapatid para magbakasyon mula sa Maynila. Wala kaming kamag-anak dito ngunit ang aking ama ay maraming mga naging kaibigan sa lugar na ito. 

Ngayon maraming taon ang lumipas, at may dalawang taon na rin kaming nakatira dito kasama ang aking asawa at mga anak. 

Ang Misteryo

Napansin ko ang mga pangyayaring ito kamakailan lamang habang ako'y nagtatrabaho sa lupa at nagtatanim. Papaliwanag ko na rin na bagamat ako'y nagtapos sa Unibersidad ng Pilipinas ng kursong Social Science, Major in Philosophy at Political Science, dala ng tadhana ay pinagsisikapan kong pagbutihin ang lupang aming minana sa halip na humayo at maghanap ng kabuhayan sa ibang bansa. Ito ang dahilan kung bakit pilit kong pinagaaralan ang pagtatanim, dala ng aking hangaring magkaroon ng pagkakakitaan sa pamamagitan ng lupang ito.

Sa aking paglalakad mula sa aming bahay ay namamarka sa aking isipan ang mga munting pagbabago sa lupa, tulad ng paglaki ng halaman, paglanta ng mga dahon at paminsan-minsan ay ang pagkalat ng mga basura na gawa sa plastik mula sa mga karatig na lugar. 

Sadyang iba ang buhay namin dito mula sa buhay na aking kinasanayan sa Maynila. Bagamat ang siyudad ng Lipa ay isa sa mga pinakamabilis na umuunlad na siyudad sa Southern Tagalog region, marami pa rin dito ang mga lugar na maituturing nating malagubat. Marami rin sa mga taong nakatira dito ang naniniwala sa mga engkanto, nuno at mga taong lupa. Ako, bilang graduate ng isang Unibersidad, ay hindi naniniwala dito. Kaya ituring nalang nating isang misteryo ang aking mga ibabahagi sa inyo.

Nagsimula ang mga pangyayari nang minsan ay makita ko ang isang natumbang puno ng Madre Cacao o Kakawate sa may bandang Silangan ng aming lupain. Nilapitan ko at tinignan ang mga ugat nito habang ang isang kamay ay nakahawak sa gulok, handa para sa mga ahas na mahilig sa mga malililimlim na lugar. Tinignan ko ito upang malaman kung ito nga ba ay sinibak lamang ng mga taong gubat na paminsan minsan ay nakikiraan sa amin. 

Wala ang mga tanda ng tama ng palakol o ng gulok at sadyang ang mga ugat ng puno ay lumitaw lamang mula sa lupa dahil sa pag tumba ng punong ito. Marahil ay alam ng marami na ang puno ng madre cacao ay isa sa mga pinakamatigas na puno sa ating bayan. Hindi kaya ng aking gulok na Carmona ang pagputol nito kahit abutin pa ng isang araw sa pagsisibak. Ang tangi lamang paraan para maputol ang mga punong ito ay sa pamamagitan ng palakol o ng de makinang lagari. 

Sa sobrang tigas at tibay ng punong ito, ito ang nagiging poste ng maraming mga bahay dito sa probinsya. Lalong-lalu na kapag ang puno ay may edad na sampung taong gulang o mahigit. Ito ang dahilan kung bakit hindi ko malaman laman kung paano tumutumba ang mga punong ito. 

Hindi rin ito maaaring itumba ng iisa lamang tao kahit gaano kalakas, hindi tulad ng puno ng papaya na umuuga-uga pag sinubukan mong yapusin at akyatin. 

Sa aking pagmumuni-muni, likas kong tinatanggihan ang mga paliwanag ng mga matatanda na may mga kumikilos na hindi ordinaryong mga nilalang sa gubat. Sa malilim na salitang tagalog, tinutukoy ng mga tao rito ang hindi ordinaryong mga nilalang na gumagala sa gubat na "Tao". Halimbawa ko na lamang ang sinasabing 'May "Tao" sa loob ng puno na iyan.' O kaya naman ang pinakakaraniwan na "Humingi ka ng paumanhin sa Tao ng punso bago ka dumaan.

Sa aking palagay, ang mga istoryang ito ay dala lamang ng kamang-mangan ng marami at kakulangan ng kaalaman ukol sa ating kapaligiran. 

Bagkus ay magiisip ka nga ng malalim kung bakit at paano nangyayari ang ganitong mga pagkakataon. 

Wala namang dumaang bagyo o delubyo. 

Wala namang lindol o paggalaw ng lupa. 

Sa ngayon, habang walang nakakasagot sa aking mga katanungan, papanatiliin na lang muna nating isang misteryo ang mga pangyayaring ito. 


Orihinal na Katha ng Awtor 
Alamat.com.ph

Mga Alamat